Oras

Kailangan ko ng oras –

Hindi para isipin kung ayaw ko na,
Hindi para isipin kung papaano ko sila matatakasan
Kung hindi para maghanap

ng damdamin mula sa mundo,
ng damdamin na iuukit ko sa’king papel,
ng aking sarili na hanggang ngayo’y nawawala pa rin sa aklat na hindi ko pa naisusulat

Advertisements

HILING

Hindi ko alam kung kailan ako natutong humiling,
noong unang ipinikit ko ang aking mga mata ng maghigpit,
kapit kamay, hagkan ang puso at hinto sa paghinga –

Humiling na sana magkaroon ako ng bahay para sa aking Manika,
bagong damit at tsaka kaibigan din nito –

Hindi ko alam kung kailan ako huminto,
Pinagtatawanan na lamang ang dasal at mahika na para bang
hindi ako naging bata,
Sa pang-araw araw na para akong nauupos na posporo dahil
ipinaubaya ko na ang aking kaluluwa

Hiling ko sana’y magpahinga, huminga,
makiramdam at nang magmahal muli